Minsan, naiisip ko na ipinanganak siguro ako sa maling pamilya.
Ang tatay, matalino. Palaging nagtatrabaho ang utak. Palaging produktibo sa pagsusulat, pagbabasa, o di kaya pagguhit.
Ang nanay, maimis. Walis dito, walis doon. Tiklop dito, tiklop doon. Linis dito, linis doon.
Ang bunso, masipag. Kung hindi nagbabasa, nagreresearch yan. Kung hindi gumagawa ng assignment, nagaayos ng kwarto.
E ako? Nakahiga. Nakatulala. Madalas kausap ang sarili. Nanonood. Nagpapalaki ng tyan. Tamad.
Kaya minsan, naiisip ko baka ipinaganak ako sa maling pamilya.
Kanina, maaga silang nagising lahat. Bumangon lang ako sa katok sa pintuan. Tapos, balik ulit sa pagtulog.
Ang akin, bakit ba? Bakasyon ako. Anong saysay ng pagbangon? Silang lahat abala. Sa eskwela at sa trabaho. Walis, linis, luto. Ligo, sepilyo, pasok. Ako, ibalot ang sarili sa kumot. Maling pamilya.
Kanina, sa hapag kainan. "Ikaw ang bahala sa labandera." Si nanay. Ayan na naman sa mga bilin nya. Kung tutuusin, okay lang dapat. Wala naman akong ginagawa. Pero nainis ako. Bakit? Kasi tinatamad ako. Bakasyon ako. Bakit may gagawin ako? Tsktsk. Irap. Buntong-hininga. Maling pamilya ata talaga.
Ngayon. Nakikita kong nakatingin si nanay sakin. Nagwawalis na naman sya. Nakatitig sya kasi nakahiga lang ako habang kung ano anong kinakalikot sa laptop ko. Nakatitig lang sya. Pero alam ko na nanghuhusga sya. Ano kayang iniisip nya? Siguro iniisip nya, "ang tamad ng batang ito", "bakit wala siyang ginagawa". Siguro ganun. Pero, bakasyon ako eh. Bakit ba.
Ngayon, ang naiisip ko lang. Bakit hindi sila mapirme? Bakit sila galaw ng galaw, gawa ng gawa? Hindi ba sila napapagod? Hindi ba sila marunong magpahinga? Masarap magpahinga. Masarap humilata. Masarap gumawa ng wala. Masarap ang walang ginagawa. Sige, tamad na kung tamad. Sige, batugan kung batugan. Iba na kung iba sainyo. Naiiba talaga ako. Misan, naiisip ko, ipinanganak yata ako sa maling pamilya.
No comments:
Post a Comment